Unti-unti nang humihina ang fighting spirit ko.
Pitong taon na akong nagtatrabaho abroad. Ako ang bunso at nag-iisang babae sa magkakapatid, may dalawa akong kuya. Sa totoo lang, hindi ko naranasan ang suporta mula sa kanila—lahat ng responsibilidad para sa pamilya, ako ang bumuhat. Groceries, bills, life insurance ng parents namin—lahat sa akin.
Noong ikinasal ang pangalawa naming kapatid, kahit wala silang trabaho ng asawa niya, tinuloy pa rin ang engrandeng kasal na may 400 bisita. Ako at ang mga magulang ko ang gumastos, at ako pa ang nag-shoulder ng kalahati.
Single mom ako. Wala na ang ama ng mga anak ko, pero imbes na sila lang ang pagtuunan ko ng pansin, pati kalusugan at maintenance ng kapatid ko, ako pa rin ang sumasalo. Ako ang nagbabayad ng check-ups, lab tests, radiation—lahat. Para hindi na humingi pa sa nanay ko, sinabi ko sa asawa ng kuya ko na siya na lang tumulong sa mga anak ko, kahit teenagers na ang mga ’yon. Binibigyan ko pa siya ng sahod para lang hindi maging pabigat sa parents ko.
Tatlong Sunlife plans ang binabayaran ko, pati Cocolife. May condo rin akong binabayaran. Nakabili na ako ng lupa para sa parents ko pero ngayon gusto naman ng commercial lot, kaya panibagong hulugan na naman. Lahat ng gastusin ng mga anak ko, sa akin din nanggagaling.
Halos hindi na ako nakakauwi ng Pilipinas dahil iniipon ko na lang ang pera para sa investments—lupa, St. Peter plan para sa akin at sa mga magulang ko.
Minsan napapaisip ako, ‘May kabuluhan ba lahat ng ito? Maliit ba o malaking tagumpay ang mga ito?’ Kasi kahit halos wala na akong naiipon, kahit isang kusing, at kahit pakiramdam ko ay paubos na ako—isa lang ang pinanghahawakan ko: wala akong utang.
Pagod na pagod na rin ako minsan. Pero siguro, sa kabila ng lahat, pwede ko pa ring ituring na tagumpay ‘to. Tahimik akong lumalaban para sa pamilya. At kahit walang pumupuri o umaalalay sa akin—alam kong may halaga lahat ng sakripisyo ko.
Posted Jul 17, 2025, 8:31 AM UTC