health care fraud scheme na may mahigit ₱51 bilyong halaga ng pekeng claims
Isang Filipino-American nurse na tubong Tuguegarao City, Cagayan ang nahaharap ngayon sa kasong health care fraud sa Houston, Texas dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa isang napakalaking scam na tumarget sa mga matatandang benepisyaryo ng Medicare, kabilang ang mga pasyenteng may malulubhang karamdaman.
Picture from Inquirer.net & Linkden
Si Marizel Cambri Yukee, na residente ng Las Vegas, Nevada, ay kinasuhan noong Hunyo 18 matapos umano’y pangunahan ang isang health care fraud scheme na may mahigit ₱51 bilyong halaga ng pekeng claims laban sa mga government-funded health insurance programs sa Estados Unidos.
Ayon sa mga prosecutor, mula Oktubre 2023 hanggang Abril 2026, si Yukee at ang kanyang mga kasabwat ay nagsumite ng mahigit $906 milyon na fraudulent reimbursement claims sa Medicare at TRICARE. Dahil dito, nakapagbayad ang dalawang programa ng mahigit $297 milyon batay sa mga umano’y maling claims.
Sinasabing ginamit umano ni Yukee ang mga pondong ito upang pondohan ang marangyang pamumuhay, kabilang ang pagbili ng mga mamahaling sasakyan gaya ng Ferrari 296 GTS at Cadillac Escalade, isang Bulgari necklace na nagkakahalaga ng $865,000, isang milyon-dolyar na bahay sa Hawaii, at ang pagpapatayo ng isang $4.6 milyong beach resort sa Sta. Ana, Cagayan.
Kasalukuyang hinihiling ng mga awtoridad ang pagsamsam sa mga ari arian, sasakyan, at mga financial account na pinaniniwalaang konektado sa kaso.
Ayon pa sa imbestigasyon, nagbigay umano si Yukee at ang kanyang grupo ng mga ilegal na komisyon at suhol sa ilang health care providers at opisyal ng medical facilities upang hikayatin silang i-refer ang mga Medicare at TRICARE beneficiaries sa mga klinikang kanyang kontrolado.
Si Yukee, isang lisensyadong nurse practitioner sa Nevada at accredited Medicare provider, ay may-ari at nangangasiwa sa ilang klinika kabilang ang Wound Medic, My BestHealth First, AllCare Mobile Wound Treatment, at Oracle Wound Treatment, na sama-samang tinawag na “Yukee clinics.”
Batay sa mga dokumentong inihain sa korte sa Houston, ang layunin umano ng grupo ay ang ilegal na pagpapayaman sa sarili sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga maling claims para sa mga serbisyong hindi kinakailangan sa medikal na aspeto, hindi kwalipikado para sa reimbursement, at nakuha sa pamamagitan ng mga ilegal na kickback at suhol.
Mahalagang tandaan: Ang mga alegasyong ito ay bahagi pa lamang ng kasong isinampa sa korte, at mananatiling inosente ang akusado hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa pamamagitan ng pinal na desisyon ng hukuman.
Posted Jun 25, 2026, 6:56 AM UTC